PINATUNAYAN ng Panglao Island, Bohol na isang ‘beautiful tropical paradise’ ang ganda nito dahilan para kilalanin bilang top 10 trending destinations para sa taong 2025.
Ito ay batay sa Skyscanner, isang nangungunang global travel platform na kung saan ibinatay ang ranggo ng Panglao Island, Bohol, sa pagtaas ng flight searches mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2024, kumpara sa parehong panahon noong 2023, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Nakuha ng Panglao Island, Bohol, ang ikawalong puwesto sa hanay ng mga pinakamagagandang lugar para bisitahin na may kahanga-hangang 77 porsiyento na pagtaas sa flight searches sa unang kalahating taon ng 2024.
Naakit ang mga turista sa pamamagitan ng malinis nitong mga beach, Chocolate Hills, at mga eco-sites tulad ng Loboc River at Tarsier Sanctuary na nakitaan ng Skyscanner bilang isang magandang alternatibo sa mas pamilyar na mga lugar sa Europa.
Ito ay kinilala rin bilang umuusbong na Asian wellness at wellbeing destination na kung saan nagpakita ng trend sa mga biyahero ng kahanga-hangang destinasyon na nag-aalok ng kakaibang karanasan na higit pa sa Europa, ayon sa DOT.