Photo Courtesy | Facebook/Chris Tine Gerasmia Domingo

PUERTO PRINCESA CITY, Philippines- Muling nakiisa sa Baragatan Festival 2024 ang Coral Bay Nickel Corporation (CBNC) at naglunsad ito ng kampanyang “Para sa Palawan”.

Ang aktibidad ay isang serye ng mga kaganapan at mga hakbangin upang ipakita ang pagpapahalaga sa mga Palaweños habang ipinagdiriwang nila ang natatanging pagkakakilanlan ng lalawigan.

Dito, ipinahayag ng kompanya ang kanilang pasasalamat sa dalawang dekada ng pagho-host ng Palawan at pagsuporta sa mga operasyon ng nasabing kompanya.

Anila, binibigyang-diin umano ng kanilang kampanya ang kahalagahan ng responsibilidad ng korporasyon at pakikipagtulungan sa lipunan sa pagkamit ng sustenableng pag-unlad at pagmarka sa mas malalim na pakikipag-ugnayan sa lokal na komunidad.

Samantala, makikita sa Baragatan Festival ang itinayong CBNC exhibit booth sa loob ng Provincial Capitol Complex na nagpapakita ng natatanging pagsisikap ng kompanya sa pagpapaunlad ng komunidad, pangangalaga sa kapaligiran at kultura.

Ipinapakita rin sa kanilang itinayong booth na sila ang nangungunang hydro-metallurgical processing plant sa buong mundo.

Dagdag dito, idinala rin ng Coral Bay Nickel Corp ang bandang December Avenue nitong Hunyo 14 para maghatid ng kasiyahan at bilang pagsuporta na rin sa kapiyestahan ng lalawigan.

Samantala, ang Baragatan sa Palawan Festival 2024 na nagsimula noong Hunyo 1 ay magtatagal hanggang Hunyo 23, 2024.

Sa pamamagitan ng nasabing festival, mapapakita rito ang mga kultura na pamana ng sinaunang komunidad ng lalawigan. (Photo courtesy: Facebook/Chris Tine Gerasmia Domingo)