Ni Marie Fulgarinsa
Matapos makatanggap ng sumbong mula sa concerned citizen ang tropa ng Anti-Crime Task Force dahil ginagawa umanong drag racing venue ang kahabaan ng Rizal Avenue, agad na sumugod sa lugar ang tropa upang inspeksyunin ngunit walang naabutang mga pasaway na motorista sa lugar.
Dahil dito, nagpadala ng civilian personnel ang tropa upang magmasid sa mga kaganapan sa lugar kung saan dito na naaktuhan ang isang motoristang nagbobomba o nagpapaingay ng kaniyang motorsiklo kaninang madaling araw, Linggo, Setyembre 8.
Ayon pa sa tropa, habang ikinakasa ng kanilang mga tauhan ang masusing pag-inspeksyon sa nasabing motorista, napag-alaman na wala kaukulang lisensiya o driver’s license at iba pang kaukulang dokumento.
Maliban dito, nahuli rin ng tropa ang dalawa pang motorsiklo na mayroong maingay na tambotso o modified muffler kaya’t agaran itong inisyuhan ng violation tickets para pagmultahin.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Batas Trapiko dahil sa paggamit ng Modified muffler, No driver’s license, hindi pagdala ng kaukulang Original Receipt at Certificate of Registration o OR/CR, drunk driving o pagmaneho ng lasing, at no side mirrors sa kanilang mga motorsiklo.