PALAWAN, Philippines — Batay sa inilabas na Memorandum Circular No. 09 series of 2024 ng tanggapan ni Mayor Lucilo R. Bayron, inaatasan nito na suspendehin ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan dahil sa nararanasang matinding init ng panahon at mapanganib na heat index.
Ito ay batay na rin sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na hindi bababa sa tatlumpu’t isang (31) mga lugar, kabilang ang lungsod ng Puerto Princesa, ang nakararanas ng mapanganib na antas ng heat indices na maaaring magdulot ng heat stroke at heat exhaustion.
Dahil dito, sa rekomendasyon na rin ng City Health Office (CHO), ang mga onsite na klase sa pribado at pampublikong paaralan sa lahat ng antas sa lungsod ay suspendido, simula araw ng Huwebes, Abril 25, 2024.
Gayundin, upang hindi makagambala sa mga klase, maaaring isagawa ang pagpapatupad ng mga asynchronous classes o modular learning system hanggang sa maalis ang pansamantalang pagsususpende ng mga klase sa lungsod.