PALAWAN, Philippines — KINUMPIRMA ngayong araw ng City Health Office (CHO) na mayroon nang isang kumpirmadong kaso ng sakit na Pertussis sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon kay Rural Health Physician Dr.Ralph Marco Flores, sa dalawang (2) suspected case ng Pertussis sa lungsod mula sa dalawang batang babae, isa rito ang nagpositibo sa nabanggit na sakit.
Aniya, ang unang kaso ng Pertussis ay mula sa isang anim na taong gulang na batang babae. Kinumpirma ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM na positibo ang resulta ng confirmatory test nito.
“Yung isang case po [roon] ay na-confirmed na po, naibalik na po ang resulta ng RITM at confirmed po na positive po yung isa [roon]. Yung isa po [roon] hindi na nai-test kasi [nu’ng] February pa po yun, pero po yung April na suspected case ay bumalik na po ang result at positive po ang resulta niya,” ayon kay Dr. Flores.
Binigyang-diin ng opisyal ang pasyenteng nagpositibo sa Pertussis ay gumaling na at kasalukuyang naka-isolate sa kanilang bahay.
“Yun po ay isang six-year-old na female na simula po nung nakita natin nung April 1 ay ginamot na rin po natin at hindi po tayo nababahala.
Actually, magaling na siya pero binabantayan pa rin po natin kasi 31 days ang kanilang isolation period. Nasa bahay lang po siya. Pinuntahan po namin last week magaling naman po siya,” dagdag pa nito.
Ayon pa kay Dr. Flores, mayroon pa silang dalawang indibidwal na kinunan ng samples para suriin kung ito ay tinamaan rin ng nabanggit na sakit ngunit nilinaw nito na hindi ito matatawag na suspected case dahil hindi ito pasok sa case definition ng Pertussis.
“Kumuha pa po kami ng ibang samples mula doon sa lugar. [Mayroon] po kaming nakuhang dalawa ‘samples’ na isi-send namin sa RITM for possible po kung mayroong outbreak na nangyari pero sana wala naman.
Yung dalawa hindi po natin masabing suspected kasi talagang nag-surveilance lang kami so talagang yung may iba pang sintomas [sinuri] na rin po namin, hindi po siya suspected kasi hindi po pumasok sa case definition ng Pertussis,” paliwanag pa nito.