PUERTO PRINCESA CITY — Isinoli ng isang concerned citizen ang isang pawikan o Green Sea Turtle na ‘female juvenile’ sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) DMD Calamian nitong Miyerkoles, Pebrero 13, 2024.
Ayon sa PCSDS, ang buhay-ilang ay nakita umano ng isang concerned citizen na-stranded kaya’t agad niya itong ipinagbigay alam sa Philippine National Police (PNP) Maritime Coron Station upang iligtas ito.
Sa pamamagitan ni PNP Maritime Chief PSMS Arwyn Dale R. Eleazar kasama ang kanyang mga tauhan at sa pakikipagtulungan na rin sa pamunuan ng PCSDS-DMD Calamian na pinamumunuan ni District Manager Ma. Christina D. Rodriguez, maingat na pinakawalan at ligtas na naibalik sa natural na tahanan nito sa Bali Beach, Barangay Tagumpay, Coron, Palawan.
Ito ay may sukat na 16 pulgada ang haba at 13 pulgada naman ang lapad batay sa ginawang pagsusuri ng PCSD Coron staff.
Ang matagumpay na pagliligtas at pagpapalaya na ito ay binibigyang-diin ang kahalagahan ng kamalayan ng publiko at pakikipagtulungan sa mga pagsisikap sa pangangalaga sa dagat.
Samantala, hinihikayat ng PCSDS ang mga kapwa mamamayan na kung nakatagpo man ng anumang uri ng buhay-ilang, ibalik muna ang mga ito sa kanilang natural na tirahan at agad na ipagbigay-alam o ibalik sa kinauukulan para sa tamang pangangalaga ng mga nito.
Mangyaring tumawag sa opisina o humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagtawag sa mga hotline ng PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) sa 0931-964-2128 (Smart), o sa PCSDS Front Desk hotline sa 0970-302-8554 (Smart) at Landline (048) 434-4235 / 434-4234.