Photo courtesy | Presidential Communications Office

PUERTO PRINCESA CITY – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na isama ang pangangalaga sa kalusugan at nutrisyon bilang mga priority indicator sa Seal of Good Local Governance.

Ito ay matapos manawagan ng Pangulo sa mga local government units (LGUs) sa bansa na unahin ang inisyatiba sa kalusugan at nutrisyon sa kanilang taunang investment plan.

“I urge all local chief executives: commit to providing your counterpart investments in nutrition, especially for nutritionally at-risk pregnant mothers, for the First 1,000 Days of Life of children and beyond,” ani President Marcos sa isinagawang 2024 National Nutrition Awarding Ceremony sa Lungsod ng Quezon.

Kinilala rin ng Pangulo ang pagsisikap ng dalawampu’t tatlong (23) LGUs at limang Local Nutrition Focal Points na may malaking kontribusyon sa pagpapabuti ng nutrisyon sa kanilang mga komunidad.

Ito ay magbibigay-insentibo sa mga LGU na unahin ang mga lugar na ito.

Ang panawagan ng Pangulo ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na labanan ang malnutrisyon, partikular sa mga buntis, ina, at mga bata.

Binigyang-diin niya na ang pamumuhunan sa human capital ay mahalaga para sa kinabukasan ng bansa.

“Let the best practices that you have introduced in your respective communities inspire others to create a ripple effect towards the countryside, towards a healthier future,” wika ni Marcos.

“Lalo niyo pang paigtingin ang inyong mga magagandang gawain para masugpo ang problema natin sa malnutrisyon.” dagdag niya.

Ang pamahalaan ay nagpatupad ng ilang mga programa upang matugunan ang malnutrisyon, kabilang ang Walang Gutom 2027: Food Stamp Program: na nagbibigay ng halagang PhP 3,000 sa buwanang mga kredito sa pagkain ng sambahayan sa mga pamilyang mayroong mababang kita at ang Expanded Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps): na nagkakaloob ng PhP350 buwanang allowance sa mga 4Ps household na may mga buntis na ina o mga anak na may edad 0-2.

Ang mga hakbangin na ito ay naaayon sa layunin ng Philippine Development Plan (PDP) na makamit ang zero hunger pagsapit ng taong 2028.