PALAWAN, Philipines — Dumating sa lungsod ng Puerto Princesa ngayong araw ng Huwebes, ika-18 ng Hulyo, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., upang personal na ipamahagi ang Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks and Families o PAFFF sa mga benepisyaryong indibidwal.
Ang PAFFF, isang inisyatiba ng opisina ng pangulo na layuning matulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa na lubos na naapektuhan ng El Niño.
“Hindi alam ng [nakararami] na ang Palawan ay nangunguna [rin] sa larangan ng produksyon ng pagkain. Bukod sa malawak na mga taniman ng palay, mais, at niyog, mayroon din kayong kasoy, saging, at kalamansi.
Ang mga ito ay hindi lamang ninyo naibabahagi sa mga turista kundi pati na sa mga kababayan ninyo sa
iba’t ibang panig ng buong Pilipinas. Kaya, sa araw na ito, hayaan ninyong kami naman ang mamahagi ng biyaya sa inyo.
Kung sanay ang lahat na magdala ng pasalubong mula sa Palawan, kami naiba, kami ang magdadala ng pasalubong sa inyo [rito] sa lahat ng Palaweño,” ang bahagi ng panimulang mensahe ng Pangulo.
Sa ilalim ng PAFFF, ang mga kwalipikadong benepisyaryong magsasaka at mangingisda ay makakatanggap ng sampung libong pisong (₱10,000) financial assistance.
Ayon sa Pangulo, mahigit tatlong bilyong piso (₱3,000,000,000) ang halaga ng nasirang agrikultura sa MIMAROPA dahil sa naranasang matinding tagtuyot.
“Hindi lingid sa amin na matindi ang naging epekto ng nagdaang El Niño sa inyong mga sakahan at palaisdaan. Kaya’t marapat lamang na paulanan naman namin kayo ng tulong upang makaahon kayo sa pagsubok na [pinagdaanan] ninyo,” dagdag pa ng pangulo.
Ani PBBM, sa kabuuan ay pagkakalooban ng isandaang milyong piso (₱100,000,000) ang lalawigan ng Palawan at Marinduque.
Ang Palawan ay nakatanggap ng ₱50M financial aid, at ang Puerto Princesa naman ay pinagkalooban ng P10M habang ang Marinduque ay nakatanggap ng 39.1 milyong piso.
Kasama rin ng pangulo si House Speaker Martin Romualdez na nagbigay naman ng tag-limang kilong bigas sa humigit-kumulang limanlibong (5,000) benepisyaryo na dumalo sa aktibidad ngayong araw sa Edward S. Hagedorn Coliseum sa lungsod ng Puerto Princesa.
Dumalo rin sa aktibidad sina Palawan Second District Representative Jose Alvarez, Palawan Provincial Governor Victorino Socrates, Marinduque Provincial Governor Presbitero Velasco Jr., at Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron.
Samantala, maliban sa PAFFF, mayroon din ipinamahaging tulong ngayong araw ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na kinabibilangan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Irrigation Administration (NIA), Technical Education Skills and Development Authority (TESDA), at Department of Interior and Local Government (DILG).
“Mga minamahal kong kababayan, iba-ibang pagsubok at patung-patong na suliranin man ang ating kinakaharap kung patuloy tayong [magtutulungan] at magkakaisa sigurado ako na malalampasan natin ang anumang hamon at makakamit natin ang ating mithiin.
Inaanyayahan ko po kayo na sama-sama tayong maglalakbay tungo sa mas magandang bukas ng isang Bagong Pilipinas! Mabuhay ang ating mga magsasaka! Mabuhay ang ating mga mangingisda!,” ang pagtatapos na mensahe ni PBBM.