Ni Samuel Macmac
PALAWAN, Philippines — NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagdiriwang ng “World Press Freedom Day” bilang pagkilala sa katapangan ng mga mamamahayag sa pagsugpo ng fake news.
Idineklara ng United Nations General Assembly ang Mayo 3 bilang pagdiriwang sa kahalagahan ng mga mamamahayag at malayang pamamahayag na may temang “A Press for the Planet: Journalism in the Face of the Environment Crisis”.
Layunin ng pagdiriwang na ito na ipaalala sa pamahalaan ang pagbibigay kahalagahan sa tungkulin ng mga mamamahayag.
Sa kaniyang mensahe, malugod na kinilala ni Marcos ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag sa paghahatid ng walang kinikilingang mga ulat.
“In Bagong Pilipinas, we celebrate our journalists for their courage in conveying unbiased reports, and we rely on them to continue being stalwarts of truth and transparency, saad ni Marcos.
Dagdag pa dito, tinawag ng Pangulo na depensa laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon ang salita ng mga mamamahayag.
Hinikayat din ng Pangulo ang mamamayang Pilipino na patuloy na ipaglaban ang katotohanan sa gitna ng mga lumalaganap na maling impormasyon.
Binigyang-diin pa niya na maging mapanuri sa mga pinagkukunan ng impormasyon upang maiwasan ang maging biktima ng fake news.
Iginiit din Presidential Communications Office (PCO) na patuloy na pinagsusumikapan ng administrasyong Marcos ang pagbibigay ng ligtas na kapaligiran sa malayang pamamahayag.
Samantala, batay sa datos ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), nasa apat na ang bilang ng mga mamamahayag sa bansa ang naitalang napaslang simula ng maupong Pangulo si Marcos.