NANUMPA ang dalawanlibong draftees ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatakdang italaga sa iba’t ibang distrito at yunit ng ahensya bago ang opisyal na matinding pagsasanay.
Pinangunahan ni PCG Commandant, Admiral Ronie L. Gavan ang seremonya ng panunumpa ng 1,698 lalaki at 302 babaeng draftees na isinagawa sa Coast Guard Fleet Parade Ground, Pier 13, Port Area sa Manila, nitong ika-9 ng Disyembre, taong kasalukuyan.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Admiral Gavan ang kanyang pagbati para sa mga draftees na tumugon sa tawag ng pampublikong serbisyo at binigyang-diin ang boluntaryong pagtanggap ng mas mataas na responsibilidad bilang mga lingkod-bayan.
“Hindi sweldo, hindi uniporme, hindi prestige. Ang inyong panunumpa ay nangangahulugang kayo ay handa, na buo ang inyong loob at kaya niyong isakripisyo ang inyong mga personal na interes upang paglingkuran ang Inang Bayan,” mensahe ni Admiral Gavan.
Sa 2,000 karagdagang peronnel, kasalukuyang mayroon nang workforce na 34,000 personnel ang PCG, ayon sa impormasyon.
Sa iba’t ibang distrito at yunit ng PCG itatalaga ang mga bagong draftees upang dagdagan ang pwersa ng Coast Guard, habang naghihintay ng iskedyul ng kanilang pagsasanay na isasagawa naman sa iba’t ibang PCG training centers sa loob ng ilang buwan.