Photo courtesy | Levi E. /IPPF
PALAWAN, Philippines — Nailipat na sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Lungsod ng Puerto Princesa ang nasa 450 persons deprived of liberties (PDL) mula sa mga piitan sa Metro Manila, ngayong gabi, araw ng Linggo, ika-1 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
Ayon sa ibinahaging detalye ng IPPF, inilipat ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga detainees bilang bahagi ng decongestion program ng ahensya sa mga piitan sa Kamaynilaan kabilang na ang Correctional Institution for Women (CIW) Mandaluyong at New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Kinumpirma ng pamunuan ng BuCor na ang 396 male detainees ay galing medium compound habang ang apat (4) na indibidwal naman ang galing sa maximum compound ng New Bilibid Prison.
Samantala, ang mga kababaihang detainees mula CIW Mandaluyong ay ilalagak sa CIW Sta. Lucia Sub-Colony sa ilalim ng pamumuno ng IPPF.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., nasa 1,500 PDLs na ang nailipat kabilang na ang mga nailipat sa Sablayan, Occidental Mindoro, alinsunod sa decongestion ng mga penal facilities sa Metro Manila.
Sinabi rin ni Catapang Jr. na ito ay hakbang para sa paghahanda sa pagsarado ng NBP at CIW sa taong 2028.
Aniya, ang mga pasilidad sa NBP at CIW ay iko-convert bilang commercial hub na tatawaging BuCor Global City at government center.
Ayon pa sa Director General, hindi lang decongestion program ang nasabing paglilipat sa mga detainees kundi bahagi rin ng “Oplan Lipatan” para sa PDL na kasangkot sa mga iligal na gawain sa loob ng piitan.