TAGBUROS, Puerto Princesa City — Nakatanggap ng iba’t ibang klaseng regalo ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa iba’t ibang sub-colonies ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) nitong Hulyo 19-20, ngayong taon.
Ang mga handog na regalo ay nagmula sa Missionary Servants of Mama Mary (MSMM) na pinangunahan ni Ginoong Romulo Tolentino at kasama ang kanilang mga kasamahan mula sa MSMM.
Ayon sa Bureau of Corrections, ang nasabing kaganapan ay taunan umanong isinasagawa ng grupo bilang tradisyon sa nakalipas na 27 taon, na nag-aalok ng pag-asa at suporta sa mga indibidwal na nahaharap sa mapanghamong mga kalagayan gaya ng mga PDLs sa naturang mga piitan.
Ang MSMM ay patuloy na naghahatid ng mahahalagang suplay at emosyonal na suporta sa tuwing sila ay bibisita sa mga piitan upang magbigay liwanag tungkol sa kahalagahan ng pamayanan at pagmamalasakit sa kapwa sa kabila ng pisikal na distansya ng mga PDLs sa kanilang pamilya.
Aabot sa kabuuang 4,508 na gift packs ang naipamahagi sa apat na sub-colony ng IPPF, na kinabibilangan ng Central Sub-colony, Montible Sub-colony, Inagawan Sub-colony, at ang Correctional Institution for Women-Sta. Lucia.
Kabilang sa nilalaman ng mga handog ay karagdagang suplay ng pagkain tulad ng noodles, kape, at tinapay, pati na rin ang mga pangangailangan gaya ng damit na panloob, tuwalya, sabong panlaba, at tsinelas.
Samantala, bakas ang kasiyahan na makikita sa mga mukha ng mga benepisaryong PDLs dahil ang ganitong inisyatiba ay nagdudulot ng pag-asa sa kanila.