‘KAPAYAPAAN AT PAGKAKAISA SA BANSA’ ang panawagan ng Iglesia Ni Cristo o INC sa kanilang isasagawang peaceful rally sa Enero 13, taong kasalukuyan.

Ito ay inaasahang dadaluhan ng 25,000 kasapi ng INC mula sa 4 na distrito nito sa lalawigan ng Palawan.

Sa isang panayam kay Designated Media Relations Officer for National Rally for Peace in Palawan Atty. Joemar Caluna, ang rally na ito ay hindi sumusuporta o tumutuligsa kanino man. Sa halip, ito ay ginagawa para sa kapayaan at pagkakaisa sa bansang Pilipinas.

“Wala kaming binabanggit na anumang pangalan ng politiko. Ang panawagan namin ay pagkakaisa at kapayapaan. Magkaisa tayo para solusyunan ang mga problema sa kahirapan, karahasan o anumang problema na nakakasagupa natin, ‘yun ang aming panawagan,” ang bahagi ng mensahe ni Atty. Caluna sa isang panayam.

Suportado naman ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ang malawakang kilos ng religious group.

Kaugnay rito, nagpasa ng dalawang resolusyon si City Councilor Elgin Robert Damasco; una, ang pagpapakita ng suporta sa peaceful rally ng INC, at pangalawa, ang resolusyon na humihiling kay Punong Lungsod Lucilo Bayron na mag-isyu ng Executive Order para sa pansamantalang pagsasara ng Fernandez Street at ilang bahagi ng Rizal Avenue sa mismong araw ng rally.

Agad namang inaprubahan ng konseho ang dalawang nabanggit na resolusyon.