Photo courtesy | WESCOM
PALAWAN, Philippines —Matagumpay na isinagawa ng mga tauhan ng Philippine Marines ang Amphibious Capability Demonstration at Training Activity na ginanap sa Maratapi Beach, Brgy. Cabayugan, northern part ng nabanggit na lungsod, nitong ika-3 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.
Layunin ng aktibidad na ihanay ang mga taktika, teknik, at pamamaraan ng BRP Davao del Sur (LD602) at Marine Battalion Landing Team (MBLT) 9 sa pagsasagawa ng mga amphibious operations sa pagsisiguro ng kaligtasan at seguridad ng mamamayan sa Palawan.
Sa isinagawang pagsasanay, nararapat na tuluy-tuloy ang koordinasyon sa pagitan ng mga crew ng LD602 at mga tropa ng MBLT9 na kung saan ang kaligtasan ang kanilang pangunahing prayoridad sa nabanggit na pagsasanay.
Makikita sa kaganapan ang pagsabay-sabay ng mga operasyon ng crew ng LD602 kabilang ang pag-deploy ng Philippine Navy (PN) AW109 helicopter, at higit sa 140 highly skilled troops mula sa MBLT9, at limang piling miyembro ng Naval Special Operations Command (NAVSOCOM) ng Philippine Navy.
Sa pamamagitan ng demonstrasyon, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng epektibong komunikasyon, pagpaplano, at pagpapatupad sa mga operasyong kahalintulad nito.
Ang mga sinanay na yunit ay nagpakita ng kadalubhasaan sa mga taktikal na pamamaraan ng pag-landing sa dalampasigan. Ang mga kakayahan na ito ay mahalaga para sa pagtugon sa mga emerhensiya at mga banta sa seguridad sa loob ng lalawigan ng Palawan.
Ayon sa Western Command Armed Forces of the Philippines, ang pagpapanatili ng pinakamataas na antas ng amphibious capability ay tinitiyak ng ahensya upang mapahusay ang mga mekanismong depensa laban sa anumang natural na kalamidad o kaguluhan.
“The successful Amphibious Capability Demonstration and Training Activity further strengthens WESCOM’s commitment to excellence and readiness,” ani WESCOM Chief, Vice Admiral Alberto Carlos PN.
“With the alignment of tactics, techniques, and procedures showcased today, our troops are better prepared to safeguard the province of Palawan and respond effectively to any future challenges,” dagdag ni Carlos.
“This collaborative effort highlighted the importance of interoperability and cohesion among various units in achieving mission success,” saad pa nito.
Samantala, ang WESCOM ay nananatiling nakatuon sa patuloy na pagpapabuti ng kasanayan at kahandaan ng mga puwersa nito. Sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mga amphibious na kakayahan, layunin ng WESCOM na patibayin ang pagbalangkas ng seguridad nito, protektahan ang mga komunidad sa lalawigan, at mapanatili ang malinis na likas na kagandahan ng Palawan mula sa anumang kalamidad.