Ipinababatid sa publiko ng tanggapan ng National Museum of the Philippines – Tabon Cave Complex na pansamantalang isasara sa publiko ang lugar sa darating na Biyernes, Abril 12, upang eksklusibong bigyang-daan ang isasagawang launching ng Philippine Tourism Experience ng Kagawaran ng Turismo o Department of Tourism sa nasabing pasyalan.

“The National Museum of the Philippines- Tabon Cave Complex will be closed to the public on April 12, 2024, exclusively to host delegates for the launch of the Department of Tourism’s Philippine Experience Program in the MIMAROPA Region,” pabatid ng pamunuan.

Dagdag dito, dadalo sa kaganapan si DOT Secretary Christina Garcia Frasco upang pormal na pangunahan ang paglulunsad ng DOT’s Philippine Experience Program.

Samantala, sa kaparehong araw rin gaganapin ang inagurasyon ng Tourist Rest Area o TRA sa bayan ng Roxas, Palawan, na kung saan ay mauunang dadaluhan ng kalihim.