Photo courtesy | AFP WESCOM
PUERTO PRINCESA CITY – Upang makapaghatid ng maagang pamaskong handog at kasiyahan sa mga tropang hukbong-dagat na nakatalaga sa mga isla ng Pag-asa at Kota sa West Philippine Sea (WPS), bumisita si Philippine Navy Vice Admiral Toribio D. Adaci Jr. sa nabanggit na mga lugar nitong nakalipas na buwan.
Kasama ni Adaci ang Commander ng Naval Forces West na si Commodore Alan M. Javier kung saan nagkaloob ang mga ito ng mga regalo para sa mga tropa na tanda ng pagpapahalaga ng Navy sa pagsusumikap at dedikasyon ng mga tauhan nito na nakatalaga sa malalayong istasyon, na nagbibigay-diin umano sa diwa ng pagkakaisa sa panahon ng kapaskuhan. Layon din ng nasabing pagbisita na ihatid ang pangako ng Navy sa pagsuporta sa mga tauhan nito lalo na sa panahon ng kapaskuhan.
Batid naman ang kagalakan ng mga tropa sa presensiya ng kanilang Navy Chief lalo na’t binigyang halaga nito ang kanilang mga sakripisyo na malayo sa kanilang pamilya ngayong Christmas season.
Ayon sa WESCOM, napalakas din umano ng hukbong-dagat ang kanilang moral at mas handa na maipagpatuloy ang kanilang misyon na naghahatid ng kanilang dedikasyon at pagpapasya na itaguyod ang soberanya ng bansa.
Samantala, isa ang raffle draw sa mga naging highlight ng nasabing aktibidad, at pinasinayaan din ang bagong Research Facility sa Kota Island na itinayo bilang isang typhoon-resilient, na nagsilbing isang testamento ng pag-unlad at magsisilbing kanlungan ng mga tauhan at kagamitan sa nasabing estasyon sa isla.
Sa mensahe ni VA Adaci, inihayag nitoang kanyang pasasalamat sa dedikasyon at sakripisyo ng mga tauhan ng hukbong-dagat na naglilingkod sa malalayong istasyon sa bansa.