PHOTO | PIO - PALAWAN

Ni Vivian R. Bautista

PATULOY ang isinasagawang monitoring ng Provincial Health Office (PHO) upang masugpo ang paglaganap ng sakit na Dengue sa lalawigan ng Palawan.

Nananawagan si PHO Dra. Faye Erika Q. Labrador sa mga Palaweño na makipagtulungan at makiisa ukol sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan nang sa ganun ay maging matagumpay ang kanilang kampanyan kontra dengue.

Kanila ring hinihikayat ang mga mamamayan na mangyaring sundin ang 5S Strategy: Search and Destroy; Self-protect; Seek consultation; Support fogging in outbreak areas, at Sustain hydration upang maiwasan ang nasabing sakit.

Ani Dra. Labrador, base sa datos ng PHO mula Enero hanggang Hulyo 15, 2023, hindi umano bababa sa 4,100 kaso ng dengue ang naitala sa lalawigan na pinangunahan ng bayan ng Taytay, Palawan na nakapagtala ng 1,359 na kaso habang 36 na ang nasawi at 15 rito ay mula sa nasabing bayan.

“Sa lahat po ng ating kababayan, ingatan po natin ang ating mga sarili at makiisa sa mga hakbanging ipinatutupad upang masigurong ligtas sa sakit na Dengue,” ani Dra. Labrador.

Samantala, patuloy pa rin ang mga isinasagawang hakbang ng PHO katuwang ang mga lokal na pamahalaan upang masugpo ang naturang sakit sa iba’t ibang munisipyo ng Palawan kabilang na dito ang isinasagawang “misting” lalo na sa mga bayan na may bahagyang pagtaas ng kaso ng dengue, base sa inilabas na impormasyon ng tanggapan ng Kapitolyo.

Ang dengue fever ay pangunahing kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng mga nahawang Aedes na lamok, na kinabibilangan ng A. aegypti at A. albopictus mosquitos na kapag hindi naagapan ay maaaring magresulta sa kamatayan.