Photo courtesy | US Embassy in the Philippines

PUERTO PRINCESA CITY – Ipinagkaloob ng pamahalaan ng Estados Unidos sa Pilipinas ang kabuuang 55 milyong piso o isang milyong dolyares bilang tulong sa mga Pilipinong nasalanta ng malawakang pagbaha kamakailan dulot ng Bagyong Carina.

Ayon sa Embahada ng Estados Unidos, nitong Hulyo 30, inihayag ni U.S. Secretary of State Antony Blinken sa kanyang pagbisita sa Maynila na ang tulong na ito ay tutugon sa mga agarang pangangailangan ng mga apektado mamamayan ng Bulacan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Lanao Del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, National Capital Region, at Pampanga.

“The United States is providing $1 million to ensure life-saving assistance reaches families across the archipelago who have been devastated by severe flooding and landslides,” ani US Agency for International Development (USAID) Acting Mission Director Betty Chung.

“We are committed to working with the Philippine government and people as they rebuild and recover from this disaster,” dagdag ng opisyal.

Sa pamamagitan ng nasabing pondo, ang USAID, sa pakikipagtulungan ng Catholic Relief Services and Action Against Hunger, ay magbibigay sa mga apektadong pamilya ng access sa food aid, hygiene kit, emergency shelter kit, malinis na tubig, at isang beses na cash transfer na magbibigay-daan sa kanila na makabangong muli mula sa sakuna nang ligtas at may dignidad.

Mula nitong Hulyo 16, ang USAID ay nagbibigay ng logistical assistance sa Philippines Department of Social Welfare and Development at Department of Human Settlements and Urban Development bilang tugon sa mga sakuna na baha at pag-ulan sa Mindanao at Central Luzon.

Sinuportahan din ng USAID ang International Organization for Migration sa pamamahagi ng 700 shelter-grade tarpaulin at ang World Food Program sa pagdadala ng 30,000 family food packs sa mga komunidad sa Mindanao.

Matatandaan, ang Bagyong Carina na may international name na Gaemi, ay nagdulot ng matinding pag-ulan at malawakang pagbaha na siyang nagpalakas sa habagat sa bansa.

Nagdulot din ito ng pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na kumitil ng hindi bababa sa 14 katao at lumikas sa mahigit 700,000, ayon sa pinakabagong tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Samantala, mula taong 2021, aabot sa tatlong (3) bilyong piso o 50 milyong dolyares ang naibigay ng USAID sa bansa bilang tulong para sa disaster relief at recovery aid na kung saan ay patuloy ring nakikipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas.