UMAANGAT ang ganda ng Pilipinas bilang isang tourism powerhouse makalipas ang 25 taon, na lubos na kahanga-hanga dahil sa magiging magandang hinahanarap ng industriya ng turismo ng bansa.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco, inaasahang makakapagtala ng napakalaking pag-unlad ang industriya ng turismo ng Pilipinas ng nasa mahigit $34 bilyon pagsapit ng taong 2034, na nagpapakita ng malakas na compound annual growth rate (CAGR) na 10.80 porsiyento sa susunod na dekada.
Ilan sa mga nakikitang dahilan para sa nasabing projection ay ang mga likas na ganda at mga atraksyon sa Pilipinas at ang mayamang kultura nito na patuloy na umaakit sa mga turista, ang patuloy na isinasagawang inisyatibo at promosyon ng gobyerno at pagpapa-unlad ng mga imprastruktura.
Dagdag pa rito, ang Pilipinas ay nagsisilbing gateway sa Southeast Asia na umaakit ng mga turista sa mga kalapit na bansa tulad ng Thailand, Malaysia at Indonesia.
Kamakailan, tumanggap ang Pilipinas ng iba’t ibang prestihiyosong parangal mula sa World Travel Awards (WTA), ito ang tinaguriang “Oscar” ng travel industry, na kung saan pinagtitibay ng mga iginawad na awards ang katayuan ng bansa bilang Asia’s Premier Tourism Destination, Asia’s Leading Dive Destination, Asia’s Leading Tourist Attraction, Asia’s Leading Luxury Island, at Asia’s Leading Wedding Destination.
Sa magkasunod na taon, nakikilala naman ang Pilipinas bilang emerging muslim-friendly destination sa Halal Global Summit.
Binigyang-diin ni Sec. Frasco na patunay na napakalaking kontribusyon ng industriyang ito sa pagbibigay ng mga oportunidad na kung saan nasa 6.21 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa industriya ng turismo ng taong 2023 base sa nakalap nilang datos.
Samantala, malaki rin ang impluwensya ng social media sa pagpapa-unlad ng industriya ng turismo ng Pilipinas. Marami ang nahihikayat mag-travel sa pamamagitan ng mga travel influencers na bumibisita at ipinapakilala ang magagandang atraksyon at ibinabahagi ang kanilang karanasan.
Sa Pilipinas, mayroong tinatayang nasa 86.75 milyon ang aktibong gumagamit ng social media.