Inihayag ng Department of Tourism (DOT) na kumita ang industriya ng turismo ng Pilipinas ng tinatayang P712 bilyon mula Enero 1 hanggang Disyembre 15, ngayong taon.
Ito ay katumbas ng 119 porsyentong recovery rate mula sa mga bilang noong 2019, batay sa year-end report ng kagawaran.
Ibinahagi ni Tourism Secretary Christian Garcia Frasco ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ang turismo ay magiging haligi ng pagbangon ng bansa, mula sa inspiradong bisyon ay pina-uunlad ito.
Ayon sa isang comparative survey ng World Travel and Tourism Council (WTTC), ang mga international tourists na pumupunta sa bansa ay gumagastos ng hindi bababa sa $2,073 per capita.
Binigyang-diin pa ng Kalihim na nakatulong sa pagtaas ng kita sa industriya ng turismo ang pagpapataas ng kalidad ng turismo sa Pilipinas at pag-diversify ng mga produktong turismo na umaakit sa mga turista para manatili ng mas matagal sa bansa.
Sa usaping trabaho, ang industriya ng turismo ay nagbigay ng napakalaking bilang para sa unang kwarter ng taong 2024. Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA) April 2024 Labor Force Survey, nasa 16.4 milyon o 34.11 porsyento ng kabuuang employment ng bansa ay nagmula sa direct at indirect tourism employment, na nagbigay ng produkto o serbisyo sa mga dayuhang turista, lokal na bisita, o negosyong kaugnay sa turismo.
Sa mga rehiyon sa Pilipinas, nakapagtala ang Rehiyong 4A (CALABARZON) ng may pinakamataas na employment sa turismo na may 2.92 milyon, sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 2.80 milyon, at Rehiyon 3 (Central Luzon) na may 2.49 milyon; pumang-apat at panglima ang Rehiyon 7 (Central Visayas) at Rehiyon 6 (Western Visayas) na may 1.57 milyon at 1.07 milyon, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nananatiling matatag ang DOT sa kanilang misyon na magbigay ng dekalidad na oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino sa buong bansa.