PUERTO PRINCESA – Apat (4) na parangal ang iginawad ng 2024 World Travel Awards (WTA) sa Pilipinas kamakailan sa ginanap na Grand Final Gala Ceremony na isinagawa sa Savory Palace, Funchal, Madeira, bansang Portugal.
Tumanggap ng parangal bilang World’s Leading Dive Destination ang Pilipinas na ika-anim na beses nang magkakasunod na iginawad sa bansa; habang ipinagkaloob naman ang World’s Leading City Destination Award sa Maynila, na ikalawang beses ding pinarangalan simula 2003.
Pinatunayan din ng Boracay ang mataas na kalidad ng mga produkto at serbisyo na pinarangalan bilang World’s Leading Luxury Island Destination.
Sa kauna-unahang pagkakataon, naiuwi ng Department of Tourism (DOT) ang titulong World’s Leading Tourist Board na kung saan sumasalamin sa matagumpay na mga inisyatibo sa pagsusulong sa Pilipinas bilang premier destination.
Ang World Travel Awards ay isang prestihiyosong pagkilala sa industriya ng turismo, paglalakbay at hospitality na kung saan kinikilala ito bilang “Oscars ng Turismo” dahil sa binibigyang-pugay nito ang mga pinakamahusay na marka, destinasyon at serbisyo sa buong mundo, base sa impormasyon.
Nalulugod naman si DOT Secretary Christina Garcia Frasco sa sunud-sunod na mga parangal na tinatamasa ng Pilipinas na lalong nabibigyang-pansin ang kagandahan ng bansa gayundin ang ginagawang pagsusumikap ng pamahalaan para mas tangkilin pa ng buong mundo.
“We are filled with immense pride and gratitude as the Philippines continues to capture the hearts of travelers worldwide, as reflected in these prestigious accolades at the 2024 World Travel Awards,” bahagi ng pahayag ng Kalihim.
Samantala, patuloy na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy maging leading tourism powerhouse sa Asaya ang Pilipinas.