Nilinaw ng National Irrigation Administration (NIA) na ang pamamahagi ng condonation para sa irrigation service fee ay kinakailangan aplayan ng mga magsasaka.
Sa ginanap na Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA) ngayong araw ng Huwebes, Agosto 29, inihayag ni Senior Irrigators Development Officer Ms. Glenda Buenavista ng Palawan Irrigation Management Office o PIMO na sa kabuuang 4,000 na mga magsasaka sa lalawigan 1,000 pa lamang ang nakapag-aplay sa condonation kung saan 425 ang aprubado na.
Ani Buenavista, konti pa lamang ang mga magsasakang nakapag-aplay sa condonation dahil akala umano ng ilan, ito ay otomatikong mag-aaplay sa kanilang mga accounts.
“May 1,000 na rin ang nakapag-aplay and 425 ang approved sa ngayon. Marami pa po ang hindi nakapag aplay kasi parang kung hindi ako nagkakamali almost 4,000 dpat ang mga farmers na mag-aplay dapat ng condonation. Yung iba po ay on the process on completion ng requirements pero marami pa rin po [ang hindi nakakapag-aplay.
Siguro kasi nga dahil sa pronouncement ng free irrigation parang iniisip ng ating mga farmers na parang automatic na free na po yun. May proseso pa po tayong dapat i-comply para macondone po ang mga accounts,” paglilinaw ng opisyal.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan ng NIA sa mga magsasaka sa lalawigan ng Palawan na mag-aplay ng condonation. Magtungo lamang sa kanilang opisina at dalhin ang mga hinihinging requirements.
Matatandaan sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Puerto Princesa noong buwan ng Hulyo, inanunsyo nito na mayroong mahigit 500 milyon na ipamamahaging Certificate of condonation and exemption sa mga land owners sa ilalim ng National Communal Irrigation System.
“Yun din po ang aming campaign doon sa mga remaining farmers na hindi pa nakapag-aplay na pwede po kayong pumunta sa office to inquire yung ibang mga requirements pa para macomply na ang condonation.
Kasi as mention earlier nga po ni Sir minsan po sa pagbabago ng administration may mga policies po na nagbabago nu’ng time po [former] President Estrada [mayroon] din po siyang parang free irrigation na nabawi rin so para sana hindi maulit yun sa mga hindi pa po nakapag-aplay ng condonation—mag-aplay na po silang lahat yung 4,000 farmers na yun para in case may mabago man po sa mga susunod na administration ay wala na pong liabilities sa kanilang mga irrigation service fee sa ngayon,” panawagan pa ng opisyal.