PHOTO | PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE

Ni Ven Marck Botin

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bong-Bong” Marcos Jr. (PBBM) na walang anumang kasunduan sa pagitan ng bansang Pilipinas at Tsina kaugnay sa pag-alis ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Nag-ugat ang pahayag ng pangulo matapos sabihin ng bansang China na nangako umano ang pamahalaan ng Pilipinas na aalisin nito ang sumadsad na barko sa naturang lugar.

Ayon sa bansang Tsina, pagmamay-ari ng kanilang pamahalaan ang Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Anila, napilitan silang ‘bombahin’ ng tubig ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil umano’y may kasunduan ang dalawang bansa.

Ayon naman kay Pangulong Bong-Bong Marcos Jr., kung sakali man na mayroong ganitong kasunduan ang sinumang opisyal ng Pilipinas sa mga nakalipas na administrasyon ay pinapawalang-bisa ito ng pangulo.

“I’m not aware of any such arrangement or agreement that the Philippines will remove from its own territory, its ship, in this case, the BRP Sierra Madre from the Ayungin Shoal. [I]f there does exist such an agreement, I rescind that agreement now,” pahayag ni Pangulong Bong-Bong Marcos Jr.

Samantala, una nang hinamon ng National Security Council (NSC) ang Tsina na pangalanan o maglabas ng anumang ebidensya sa sinasabing nangako ang bansang Pilipinas kaugnay sa pag-alis ng naturang barko.

“They are the ones that are making this claim. Therefore, it is their responsibility to back up their claim. Sila iyong nagsasabi na may diumano kasunduan, so, ilabas ninyo ‘yung kasunduang iyon para po mayroon tayong pinag-uusapan. Ang hirap kasi, iyong pinag-uusapan natin, walang basehan, ‘di ba?” pahayag ni National Security Council Spokesperson Jonathan Malaya.

Matatandaang sinadyang isinadsad ang barkong Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong taong 1999 batay sa rekomendasyon ng Philippine Navy na agad namang inaprubahan ng Dating Pangulong Joseph Estrada matapos na biglang okupahin ng bansang Tsina ang Mischief Reef, ayon kay dating National Defense Secretary Orly Mercado.