Mahigit 1.6 milyong piso na ang napalitang ‘unfit banknotes’ sa Palawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa ilalim ng kanilang programang Piso Caravan.
Ang Piso Caravan ay isang inisyatibo ng BSP upang palawigin ang pagpapatupad ng BSP coin Recirculation program at ng BSP Clean Note and Coin Policy.
Ang pera ay itinuturing na ‘unfit’ kung ito ay may labis na pagkalukot, kupas ang imprenta o may mantsa. ‘Mutilated’ naman ang pera kung ito ay may punit, butas, at nginatngat ng hayop o sira-sira.
Sa naturang caravan, ang mga marumi at sira-sirang pera ay pwedeng papalitan ng bagong pera o e-money.
“Bilang partner ng Palawenyo Bankers Association nagkaroon na po ng 17 Piso Caravans.
Umabot na po siya ng more than 1.6 milyon, at nagstart po tayo ng February lang.
Based on our observation during Piso Caravan marami pa rin na mga kababayan natin from Palawan— they still cling on to their banknotes na considered na unfit dahil yun ay nakagawian nila,natin before dumating ang Bangko Sentral pero now nandito na ang BSP let’s have a cultural transformation,” ang tinuran ni BSP Puerto Princesa Branch Area Director Atty. Ronaldo O. Bermudez.
Dagdag pa ng opisyal, maliban sa palitan ng pera tuwing Piso Caravan nagsasagawa rin ng public information campaign ang BSP.
Ayon naman kay BSP Financial Inclusion and Consumer Empowerment Sub- sector Managing Director Atty. Charina B. De Vera-Yap, noong nakaraang taon nasa 50 reklamo mula sa Palawan ang kanilang nasolusyunan.
Kadalasang problema na ipinapaabot sa BSP ay ‘account management’.
“In general complaint natin is yung account management— yung mga type of complaint na ito ay nakalimutan ang password, nasara yung mga account namin paano mabubuksan, mga ganun yung common complaints. Hopefully, yung mga fraud hindi pa siya top complaint but sana nga macurtail natin,” ani Yap.
Samantala, ang BSP Puerto Princesa Branch ay nagdiriwang ng kanilang unang taong anibersaryo nito lamang ika-15 ng Hunyo.