PALAWAN, Philippines — Muling maghahatid ng serbisyo sa mga Puerto Princesans ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ito ay sa pamamagitan ng isasagawang Piso Caravan bukas, araw ng Sabado, Mayo 11,2024.
Ang Piso Caravan ay isang inisyatibo ng BSP upang palawigin ang pagpapatupad ng BSP coin Recirculation program at ng BSP Clean Note and Coin Policy.
Sa caravan, maaaring papalitan ng bagong pera o e-money ang mga marumi at sira-sirang pera.
Ayon sa BSP, ang pera ay tinuturing na unfit kung ito ay may labis na pagkalukot, kupas ang imprenta, o may mantsa. Mutilated naman ang pera kung ito ay may punit, butas, nginatnat ng hayop, o sira-sira.
Ang aktibidad ay gaganapin sa Robinsons Place Palawan Mall simula alas diyes ng umaga (10:00 AM) hanggang alas tres ng hapon (3:00 PM).