Photo courtesy | PNP MIMAROPA

ISINAILALIM ang Philippine National Police (PNP) personnel ng rehiyong MIMAROPA sa ikinasang on-the-spot drug testing ng ika-2 ng Enero, 2025 matapos ang pagdiriwang ng bagong taon.

Pinangunahan ni Police Brigadier General Roger L. Quesada, Regional Director, ang isinagawang region-wide surprise drug testing sa mga tauhan ng PNP sa rehiyon bilang pagpapakita ng walang humpay na pagsusumikap ng kapulisan na mapanatili ang integridad at propesyonalismo sa kanilang hanay.

Base sa impormasyon, ang nasabing inisyatiba ay patunay ng dedikasyon ng kapulisan na mapanatili ang halaga ng transparency at accountability sa kanilang organisasyon.

Sa pamamagitan ng surprise drug test na ito, ipinapakita ang kahalagahan ng pagiging matibay na halimbawa para sa kanilang matibay na paninindigan sa kampanya kontra iligal na droga ng kapulisan na matapang na isinusulong ni Chief PNP PBGEN Rommel Francisco D. Marbil.

Bukod dito, kasabay na isinagawa ang mga biglaang drug tests sa lahat ng Provincial Police Offices sa rehiyon. Ang Regional Forensic Unit MIMAROPA ang nangasiwa sa drug tests, na inaasahang magbibigay ng resulta sa loob ng dalawang araw, na higit pang nagpapakita ng kahusayan at masusing pagsasagawa ng inisyatiba.

Patuloy din pinagsusumikapan ang malinis at mapagkakatiwalaang puwersa ng pulisya ng Pilipinas.

Author