PINAIIGTING pa ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang kanilang police operations laban sa mga iligal na aktibidad may kaugnayan sa droga, paghuli sa mga indibidwal na may pananagutan sa batas gayundin ang mga lumalabag sa batas trapiko at iba pa.

Dahil sa pangako at dedikasyon ng kapulisan para sa mga mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa na makapagbigay ng dekalidad na serbisyo at panatilihin ang katahimikan at kaayusan sa lungsod ay kanilang napagtagumpayang maaresto ang mga indibidwal na lumabag sa batas.

Base sa mga naging operational accomplishments ng PPCPO nitong Oktubre 1-4, 2024, naaresto ang dalawang (2) indibidwal na sangkot sa iligal na droga sa pamamagitan ng matagumpay na dalawang (2) buy-bust operations na kanilang isinagawa.

Kabilang din dito ang pagka-aresto sa dalawang (2) indibidwal na itinuturing na Most Wanted Persons, naaresto rin ang walong indibidwal na mayroong outstanding warrant of arrest, narekober ang isang (1) baril dahil sa illegal possession of firearms, at dalawang (2) indibidwal naman ang kanilang nahuli dahil sa illegal trading of petroleum products.

Sa usaping trapiko, umabot naman sa 547 traffic violation tickets ang naisyu bilang bahagi ng pagpapatupad sa mga local ordinance gayundin ang masigurong ligtas at may disiplina ang mga motorista.

Nagagalak naman si City Director Police Colonel Ronie S. Bacuel dahil sa mga operational accomplishments na matagumpay na naisakatuparan bunga ng dedikasyon at pagtupad sa tungkulin ng mga kapulisan.

“Our goal is to keep Puerto Princesa a safe place for all, and we will continue to work tirelessly, hand in hand with community to uphold the law and protect our citizens,” aniya.

Author