Ni Ven Marck Botin
OPISYAL nang nilagdaan ang Power Supply Agreement sa pagitan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) at Brooke’s Point Power Generation, Inc. (BPPGI) para sa 7 Megawatts Multi-Feedstock Biomass Energy mula sa Biomass Tubtub Power Plant na magiging katuwang ng lokal na ahensya sa pagsusuplay ng enerhiya sa lugar.
Ang Biomass Energy ay manggagaling sa agricultural wastes gaya ng ipa ng palay o rice hull, bunot o husk, bao, saging, at ibang nabubulok na produkto na karagdagang renewable energy sa lalawigan at kauna-unahan sa Timog Palawan lalo na sa bayan ng Brooke’s Point.
Matatandaan na ang unang renewable energy ay itinayo sa Bgy. Manalo sa Lungsod ng Puerto Princesa na isa namang Solar-Based Power Plant.
Samantala, sa panayam ng lokal midya kay PALECO General Manager Engr. Rez Contrivida, sinabi ng Punong-tagapamahala na limang (5) taon bago tuluyang natapos ang kaukulang dokumento para sa pagbibigay ng malinis na enerhiya sa mga mamamayan ng Brooke’s Point at karatig-bayan.
Ayon naman sa kasunduan, tatagal ang pagsusuplay ng enerhiya sa loob ng dalawampung (20) taon. Ito ay papatak lamang ng P7.00 kada kilowatt (KW) ang babayaran ng mga kabahayan sa lugar.
Inaasahan namang magsisimula ang serbisyo sa lalong madaling panahon kapag naaprubahan ng Energy Regulatory Commission o ERC.