SCREENSHOT || CIO FB LIVE

Ni Clea Faye G. Cahayag


SA flag raising ceremony kaninang umaga, araw ng Lunes ika-24 ng Hulyo taong kasalukuyan ibinalita ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na inaprubahan na ng Board of Directors ng Philippine Fisheries Development Authority o PFDA ang planong pagtatayo ng Integrated Fish Port sa Puerto Princesa City.

“Nagkaroon tayo ng zoom meeting sa Technical Working Group ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) at magandang balita pinresent nila sa board yung proposal na magtayo ng integrated fish port dito [sa lungsod ng Puerto Princesa] –approved na sa Board Of Directors ng PFDA,” masayang pagbabalita ng Alkalde sa mga kawani ng City Government.

Sa mga naunang pahayag ng Alkalde, tinuran nito na kapag ang proyektong nabanggit ay naisakatuparan magbibigay ito ng napakaraming opurtunidad at trabaho sa mga mamamayan.

Malaki rin ang maitutulong ng fish port para magkaroon ng food security.

“Itong integrated fish port will support yung ating food security kasi laging merong processed na isda dyan pwede ring isama yung mga gulay dahil nga meron siyang cold storage tapos maliban doon maraming livelihood atsaka deployment opportunities na ma-oopen sa mga kababayan natin,” ayon pa kay Bayron.

Batay naman sa impormasyon mula sa official website ng city government, ang naturang fish port ay planong lagyan ng ice plant, cold storage, processing plant, bodega, at iba pang mahahalagang pasilidad sa industriya ng pangisdaan.

Ang proyektong ito ang isa sa mga poverty alleviation measure ng kasalukuyang administrasyon sa layuning maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga mangingisda sa lungsod.