Photo courtesy |

Repetek News

Team

Inaprubahan na ng Sangguniang Panlungsod ang Resolution No.1 series of 2025 ng Puerto Princesa City Disaster Risk Reduction and Management Council (PPC DRRMC) na nagdedeklara ng State Of Calamity sa buong lungsod ng Puerto Princesa.

Ang deklarasyon ay bunsod ng nararanasang Shear Line at Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ) na nagdulot ng sunud-sunod na pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang barangay sa lungsod.

Ayon kay City Budget Officer Regina Cantillo, ngayong taon ay mayroong pondo na P288 milyon para sa disaster ang lungsod kung saan P86 milyon dito ang para sa Quick Response Fund (QRF) na magagamit para magpaabot ng tulong sa mga residenteng apektado ng pagbaha.

“Ito pong hinihingi namin na declaration ng State of Calamity hindi naman sinasabing gagamitin lahat itong 86 million dahil mayroon tayong ginagamit sa ngayon kung nakikita niyo nakapagrespond agad ang CSWD pati yung ating disaster office kung kukulangin yun bago natin magagalaw itong QRF,” pahayag ni Cantillo.

Dahil sa naturang deklarasyon, ang calamity fund ng bawat barangay ay magagamit na rin.

Batay naman sa datos ng City Social Welfare and Development (CSWD) umabot na sa 25 barangay sa siyudad ang binaha kung saan aabot na sa mahigit 9,000 indibidwal at 2,000 pamilya ang apektado.

Ayon kay Acting CSWD Officer Remy Beltran, sa kasalukuyan ay namamahagi sila ng mga food at non-food items sa mga apektadong residente.

Kabilang rin sa mga non-food items na ipinamamahagi nila ang mga beddings at undies dahil maraming newborn babies o bagong silang na sanggol ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Ani Beltran, malaking adbentahe ang pagsasailalim ng lungsod sa State of Calamity dahil aminado ang opisyal na malapit nang maubos ang kanilang suplay at sa pamamagitan ng deklarasyon masusustain na aniya ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.

Binanggit rin ni Beltran na isa sa napag-usapan ang pagbibigay ng cash assistance dahil karamihan sa mga apektadong pamilya ay walang mga trabaho.

“I think yung financial assistance para po sa ibang needs ng other families. Kasi ang alam ko po marami sa affected family, yung family heads walang trabaho.

Yung cash assistance depende po sa i-aapproved ng budget (City Budget Office) pagkakasyahin po yun, according din po yun sa affected families,” paliwanag pa ng opisyal.