Ipinapabatid sa publiko ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na maging maingat sa mga online scam.
Ito ay matapos makatanggap ang PPCPO ng dalawang reklamo mula sa isang catering service at rice trader kung saan ginamit ang pangalan ni PPCPO City Director Police Colonel Ronie Bacuel para magpa-cater ng pagkain at manghingi ng load.
Ito ang ginamit na numero 09074558623 ng scammer.
“Ang modus tatawag magpa-cater daw si City Director (CD) then sa huli sasabihin na i-load [na lang] ang number na ibibigay ni scammer,” ayon sa PPCPO.
Sa mga ganitong kahalintulad na sitwasyon, paalala ng tanggapan na huwag agad maniniwala lalo pa’t marami ang naglipanang online scammers. Mainam din na huwag agad maglalabas ng salapi at makipag-ugnayan sa Puerto Princesa City Police Police sa mga numerong 09271624065, 09985985906 at 09778557732 para i-verify ang impormasyon.
“We urge the public to remain vigilant against online scams and the importance of verifying the authenticity of online contacts especially in situations involving financial transactions,” dagdag pa ng PPCPO.
Samantala, ang mga indibidwal na mapapatunayan na nagpapanggap na pulis, agent o representante ng alinmang ahensya ng gobyerno ay maaaring kasuhan sa ilalim ng Revised Penal Code.