PUERTO PRINCESA CITY — MAAARING patawan ng multa o mauwi sa kanselasyon ng prangkisa ang mga traysikel na overcharging o sobra maningil mula sa itinalagang minimum fare.
Batay sa fare matrix ng City Government na pirmado nina City Tricycle Franchising and Regulatory Board (CTFRB) Chairwoman, Vice Mayor Ma. Nancy M. Socrates, Tricycle Franchising Section Head Administrative Officer IV Rodelo M. Munoz at PASTODA President Violeta L. Delos Reyes, ang sinumang lalabag sa itinalagang fare guide ng lokal na pamahalaan ay maaaring patawan ng P1,000 sa first offense, P2,000 sa second offense at P5,000 para sa third offense.
Binigyang diin rin na kapag lumagpas sa mahigit tatlong paglabag, ang prangkisa ay maaaring kanselahin ng CTFRB.
Ang fare matrix ay dapat nakapaskil rin sa harapang bahagi ng tricycle kung saan ito agad makikita o mababasa ng pasahero.
Sa panayam ngayong araw kay Tricycle Franchising Section Head Administrative Officer IV Rodelo M. Munoz, sinabi nito na ang pagtaas ng pamasahe sa tricycle ay nakadepende rin sa presyo ng gasolina.
Ang minimum fare sa tricycle para sa unang dalawang kilometro ay P12.00 kung ang presyo ng gasolina ay nasa P60.00-P70.00.
Paghahalimbawa ni Munoz, kapag ang presyo ng gasolina ay pumatak naman ng P70.00- P80.00, ang minimum na pamasahe ay magiging P14.00 at kapag mas tumaas pa ang presyo ng gasolina, magdadagdag rin ng dalawang piso mula sa minimum fare.
Ang minimum fare naman para sa mga estudyante, senior citizens at person with disabilities ay P9.60 para sa unang dalawang kilometro. At kapag ang presyo ng gasolina ay pumalo ng P70.00-P80.00 ang nabanggit na minimum fare ay dadagdagan ng P1.6 at magiging P11.20.
Ang fare guide na ito ay batay sa Ordinance No. 1185 na inadopt ng Sangguniang Panlungsod noong Oktubre 17,2022 at inaprubahan ni Punong Lungsod Lucilo Bayron noong ika-7 ng Nobyembre sa parehong taon.