Photo | Repetek News
PALAWAN, Philippines — Nailapit ng Rotary Club of Puerto Princesa Central sa mga katutubo’t mahihirap na residente ng Barangay Napsan at mga karatig-lugar ang programang “Kabilang ka na! (You are counted)”, isang mobile birth registration para sa mga indibidwal na hindi pa rehistrado sa lokal civil registrar at Philippine Statistics Authority (PSA) nitong araw ng Miyerkules, ika-27 ng buwan ng Setyembre, ngayong taon.
Ang programa ay matagumpay na naisagawa sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlungsod, Puerto Princesa Civil Registrar, at tanggapan ng PSA na naglalayong makatulong sa mga residente partikular sa mga indibidwal na kolorum o wala pang sertipiko ng kapanganakan.
Maliban dito, nagkaroon din ng oportunidad na makapagparehistro at makakuha ng Philippine Identification (PhilID) o National ID ang mga residenteng naninirahan sa West Coast ng Puerto Princesa.
Sa panayam ng
Repetek News
kay Ginoong Samuel Magbanua, isang katutubong Tagbanua, kinumpirma nitong malaki umano ang naitulong ng programa matapos marehistro, mapabilang, at magkaroon ng sertipiko ng kapanganakan ang kaniyang anak na isinilang noong taong 2014.Aniya, maraming beses na siyang nagtangka at magbayad sa mga nakalipas na taon ngunit hindi narehistro ang kaniyang anak kaya’t malaking naging abala umano ito sa pagkuha ng iba’t ibang social benefits gaya ng tulong pinansiyal na ibinibigay ng gobyerno sa mga mamamayang kabilang sa mga mahihirap o marginalized sector.
Sinabi rin ni Magbanua na malaki ang kaniyang natipid dahil nailapit sa kanila ang programang mobile birth registration
Aniya, ang sertipiko ng kapanganakan din umano ang pangunahing dokumento na kailangan sa mga paaralan at pagkuha ng mga benepisyo mula sa gobyerno, at pagproseso ng kanilang mga dokumento at transaksiyon sa hinaharap.