Ni Ven Marck Botin
ISINAGAWA ng Amos Tara Community Center nitong hapon ng Sabado, ika-19 ng Agosto, ang adbokasiyang outreach testing program kontra Human Immunodeficiency Virus o HIV at Acquired Immunodeficiency Diseases o AIDS sa West Coast ng Lungsod ng Puerto Princesa partikular na sa nasasakupan ng Barangay Napsan.
Ang programa ay isinagawa alinsabay ng Sambayanan Basketball League ng mga kabataang kalalakihan sa naturang lugar.
Dagdag dito, nagbahay-bahay rin ang mga volunteer’s ng Amos Tara Community Center para tiyakin na mabibigyan ng serbisyong medikal na may kinalaman sa epidemya ang mga indibidwal na kabilang sa LGBTQIA+ Community partikular na ang mga Gays, Bisexual, at Transgender women.
Ang pangunahing layunin ng organisasyon ng Amos Tara Community Center ay magbigay ng libreng HIV Screening, Lubes, sexual protection gaya ng condoms at Pre-exposure Prophylaxis o PreP, at link-to-care program para sa mga indibidwal na nagpositibo sa nabanggit na virus o sakit.
Ang mga kalalakihang indibidwal, transgender women, gays, at bisexual men na edad labing-lima (15) pataas ay hinihikayat na komonekta at alamin ang kanilang kasalukuyang HIV Status.