PUERTO PRINCESA CITY — Agad na inaprubahan ng kapulungan sa una at huling pagbasa ang resolusyon na iniakda ni Palawan Board Member Nieves C. Rosento na humihimok sa gobernador na magkaroon ng Municipal Cooperative Development Officers ang bawat bayan sa lalawigan.
“A Resolution Urging Local Chief Executive to Implement [Republic Act] No. 11535, the Mandatory Creation of Municipal Cooperative Development Officers in every Local Government Unit (LGUs) in Palawan” nilalaman ng resolusyon.
Sa privilege speech ni Provincial Board Rosento, isinusulong nito na nararapat umanong sundin ng bawat lokal na pamahalaan sa buong lalawigan ang implementasyon ng mandatory creation o pagkakaroon ng Municipal Cooperative Development Officers sa munisipyo na nakabatay sa Batas Republika Bilang 11535 o mas kilalang “An act making the position of a cooperatives development officer mandatory in the municipal, city and provincial levels, amending for the purpose republic act no. 7160, otherwise known as the “local government code of 1991”, as amended”.
“Nakikita kasi natin ‘yong paglago ng mga kooperatiba sa Palawan kung mayroong mga taong nakatutok as a Development Cooperative Officers at malaki ang papel na ginagampanan nila, eventually, dito rin natin nachi-check ‘yong monitoring kasi lalo ngayon sa [Palawan] ang tinatawag nating COPSE o mga cooperative loans na gina-grant ng probinsiya, ito rin ‘yong paraan para ma-monitor natin kung ito bang mga pondo mula sa national at municipal government ay naipatutupad ng maayos,” ani Rosento.
Aniya, malaki umano ang papel na ginagampanan ng mga Municipal Cooperative Development Officers para sa pagpapalago ng mga kooperatiba sa bawat munisipyo. Sinabi rin nito na mayroon na ring nasabing opisyales ang iilang mga munisipyo sa Palawan kaya’t mabilis na umano ang paglago ng mga kooperatiba dahil sa maayos na pamamahala sa mga nasasakupan nito.
Ayon sa batas, ang tanggapan ng Municipal Cooperative Development Officer ay nilikha upang mailapit ang mga serbisyo na makatutulong sa pagpapaunlad ng kooperatiba sa mga komunidad sa mga bayan sa bansa.