Photo courtesy | Provincial Health Office
PUERTO PRINCESA CITY – Pinangunahan ng Provincial Nutrition Office (PNO) ng Pamahalaang Panlalawigan ang limang (5) araw na pagsasanay kaugnay sa pasugpo ng malnutrisyon sa Bayan ng Rizal, Palawan.
Naging posible ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit (LGU) Rizal Municipal Health Office(MHO) simula Enero 15 hanggang 18, 2024.
Isinagawa sa Municipal Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Training Center ng nabanggit na bayan kung saan tinalakay ang patungkol sa iba’t ibang uri ng malnutrisyon partikular na ang Moderately Acute Malnutrition (MAM), Severely Acute Malnutrition (SAM) at pati na rin ang tamang interbensyon para rito.
“Layunin na mapababa ang antas ng malnutrisyon sa bayan ng Rizal ng mga batang under 5 years old na MAM at SAM kasama din ang pregnant women na MAM,”paliwanag ni Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel T. Paladan.
Hinggil dito, nagsagawa rin ng active case finding para sa mga batang 0-59 buwang gulang na kabilang sa mga kategoryang MAM at SAM.
Ayon sa Provincial Information Office (PIO) Palawan, nais umano nito na tuluyan nang maging malaya mula sa malnutrisyon ang lahat ng munisipyo sa lalawigan at umaasa rin umano si Gobernador Victorino Dennis Socrates sa pamamagitan ng mga kahalintulad na pagsasanay na mas mapaigting ang mga kaalaman ng mga nakilahok sa tamang pagtugon sa mga sanggol, bata at buntis na may malalang kaso ng malnutrisyon.
Dumalo sa pagsasanay ang mga Barangay Nutrition Scholars (BNS), nurses, at midwives ng Rizal, Palawan.