Ni Clea Faye G. Cahayag
BUMISITA sa Barangay Pag-asa sa munisipyo ng Kalayaan si Senador Robin Padilla kasama ang kanyang may bahay na si Marielle Rodriguez.
Lulan ng Beechcraft King Air dumating ang mag-asawa sa munisipyo dakong ala-una ng hapon kahapon, Agosto 11, 2023.
Nagkaroon ng maikling programa kung saan malugod silang sinalubong ni Mayor Roberto “Bert” Del Mundo at ng mga residente ng Brgy. Pag-asa.
Ayon sa inilabas na impormasyon ng Municipal Government of Kalayaan, Province of Palawan, layunin ng pagbisita ng Senador na inspeksyunin ang lugar para sa mga maaaring proyekto na aangkop dito.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Sen. Padilla ang suporta para sa komunidad at nangako na tutulong para mapaunlad ang kanilang kabuhayan at imprastraktura.
Nagbigay naman ng pag-asa sa mga Kalayaanon ang pagbisita ng Senador, ito ay patunay lamang na hindi sila nakakalimutan ng gobyerno.
Ang Senador ay idineklarang “adopted son” ng munisipyo ng Kalayaan dahil na rin sa kanyang mga adbokasiya para rito.