PALAWAN, Philippines — Dumating na sa Lungsod ng Puerto Princesa ngayong araw, Huwebes, Hulyo 11, si Human Rights Commissioner Atty. Beda A. Epres upang makibahagi sa programang #Amplify na isasagawa bukas, Biyernes, Hulyo 12, sa Hue Hotel, Barangay San Manuel.
Ayon sa Commission on Human Rights, ang programang “#Amplify: Pagtaas ng Tinig ng Kabataan sa Mga Karapatang Pantao” na inorganisa ng Sustainable Development Solutions Network (SDSN) sa pakikipagtulungan ng CHR na naglalayong kilalanin ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng mga boses ng kabataan sa mga talakayan tungkol sa mga karapatang pantao at pakikipag-ugnayan sa sibiko.
Naglalayon din itong tugunan ang kritikal na isyu ng pakikilahok ng kabataan sa mga proseso ng paggawa ng desisyon sa loob ng ating lokalidad na maaaring lumikha ng isang mas inklusibong diskarte upang matugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga kabataan.
Ilan sa mga topikong tatalakayin sa nasabing aktibidad ay ang Leveling of Expectations, The 2030 Agenda and the Sustainable Development Goals (SDGs), at Human Rights as a Pillar for Sustainable Development.
Samantala, maliban kay CHR Commissioner Atty. Beda A. Epres, magsisilbi ring speaker sa kaganapan sina Mr. Renko Gaudiel, Senior Program Associate, UN SDSN Youth Philippines, at Atty. Vanessa Bautista, Officer-in-Charge, Commission on Human Rights – Palawan.