PUERTO PRINCESA CITY — Dahil sa hangaring makapagbigay ng malinis na tubig sa mga Palaweño partikular na sa malalayong bahagi ng lalawigan, ipinagkaloob na sa lokal na Pamahalaan ng Coron ang proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan na Reverse Osmosis Water Desalination na matatagpuan sa Tara Island ng nasabing munisipyo nitong Mayo 24, 2024.
Batay sa ulat ng Provincial Information Office, ang nasabing proyekto ay Level III Water System na naisakatuparan sa pamamagitan ng Palawan Water Program ng Provincial Governor’s Office (PGO).
Ito ay ay gumagamit ng state-of-the-art facility upang gawing malinis at ligtas na tubig-inumin ang tubig na makukuha mula sa dagat.
Ito na ang ika-15 Reverse Osmosis Desalination Project sa lalawigan ng Palawan.
Kaya umano nitong mag-suplay ng 36 cubic meter ng malinis na tubig kada araw para sa nasasakupang komunidad ng nasabing bayan.
Ang nasabing proyekto ay gumagamit din ng clean energy dahil ito ay pinapatakbo gamit ang solar-powered at mayroon din itong back-up power na diesel generator kapag maulan ang panahon.
Sa kabilang banda, nagpapasalamat naman ang mga residente ng island barangay ng Tara at lubos na nagagalak sa nasabing proyektong Reverse Osmosis Desalination Project.
Samantala, ang naturang proyekto ay sinimulan ng nakaraang administrasyon at ipinagpapatuloy sa pamumuno ni Gobernador V. Dennis M. Socrates.