Naitala na sa 2024 Census of Population and Community-Based Monitoring System o POPCEN-CBMS ang mga katutubong Tau’t Bato na naninirahan sa kabundukan ng Mantalingahan sa bayan ng Rizal, Palawan.
Pinangunahan ni Officer-in-charge Donna Marie D. Mobe ang enumeration sa mga katutubo kung saan kasama ang mga Census Area Supervisors, Team Supervisors at enumerators ng PSA Palawan na tinahak ng grupo ang mga baku-bakung daan, tumawid ng ilog, at umakyat ng kabundukan maabot lamang ang mga katutubo na naninirahan sa anim (6) na Sitio na kinabibilangan ng Ogis, Ubodon, Magtanor, Pinagdar, Singnapan at Sagyapon.
Ang census ay naging matagumpay sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan ng munisipyo ng Rizal at Barangay Ransang gayundin ang pagbibigay ng security group ng 7th Marine Batallion kung saan ligtas at matagumpay na naitala ang nasa 130 kabahayan na binubuo ng limandaan (500) mga indibidwal.
Ayon sa PSA Palawan, layunin ng 2024 POPCEN-CBMS na malaman ang kabuuang populasyon sa Pilipinas para sa pagbalangkas ng mga naaayon na programa sa mga benepisyaryo.
Ang enumeration ay magpapatuloy hanggang ika-15 ng Setyembre taong kasalukuyan. Umaasa naman ang ahensya sa kooperasyon ng bawat mamamayang Pilipino.