Bilang pagtalima sa Republic Act 11055 na layuning mabigyan lahat ng Filipino ng national single identification, patuloy ang panawagan ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga unregistered populations na magparehistro sa National ID System.

Kaugnay nito, ang Palawan Provincial Statistical Office-PhilSys Registration team ay patuloy na nagsasagawa ng National ID Registration sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Serbisyo Ig Progreso Y Ang Sambayanang Palaweño (SPS) Caravan.

Bukas, araw ng Huwebes, Agosto 29, ang grupo ay magtutungo sa Barangay Bintuan, Coron, Palawan, para magsagawa ng national ID registration at ePhilID issuance.

Ang kahalintulad na aktibidad ay unang isinagawa sa Barangay lll at San Nicolas sa Coron noong Agosto 26 at 27.

Sa Agosto 30 naman, ito ay isasagawa sa Municipal Gymnasium ng Barangay Salvacion sa Busuanga, Palawan.

Mayroong tatlong proseso sa pagkuha ng National ID, ang Step 1 ay Registration kung saan nakatuon ito sa pagkuha ng demographic data ng registrant. Ang Step 2 naman ay ang pagkuha ng biometrics tulad ng fingerprints, iris scan, at larawan na gagawin sa mga itatalagang lugar sa bawat munisipyo, at ang huli, Step 3, ay ang pag-iisyu na ng PhilSys Numbers (PSNs) at physical IDs.

Ang PhilSys ID ay isang foundational ID na tumutukoy sa pagkakakilanlan ng isang indibidwal. Layunin nito na mas mapadali ang pag-aaplay ng bawat indibidwal sa mga programa ng pamahalaan.

Libre o walang babayaran ang pagkuha ng PhilSys sa bawat Pilipino sa unang pag-isyu ngunit kung ito ay nawala o nasira ay may kaukulang babayaran ang may-ari nito.