PUERTO PRINCESA CITY — Dinaluhan ng limampu’t walong (58) mga partisipante mula sa iba’t ibang transport groups na kinabibilangan Public Utility Jeepneys (PUJ), Public Utility Vehicles (PUV), at Filcab sa Palawan ang isinagawang Public Transportation Modernization Program (PTMP) Information Drive and Transport Forum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) MIMAROPA na ginanap nitong Marso 19, 2024, sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling kapitolyo.
Ayon sa ulat ng kapitolyo, ilan sa mga paksang tinalakay sa aktibidad ay ang mahahalagang components ng PTMP gaya ng Regulatory Reform, LGU Local Public Transport Route Planning (LPTRP), Route Rationalization, Fleet Modernization, Industry Consolidation, Financing PUV Modernization, Vehicle Useful Life Program, Stakeholder Support Mechanism, Initial Implementation at Communications.
Upang lubos na maunawaan ang mga batas, pagbabago at proseso ng programa, nagsilbing tagapagsalita sa kaganapan sina Transport Development Officer II Lemuel John Silva at Ginoong Alexander Foja ng LTFRB MIMAROPA
Nagpaalala naman si Silva sa transport sectors sa lalawigan hinggil sa pagbabago sa Memorandum Circular 2024-001 kung saan ang Provincial Authority (PA) ng mga Individual Operators ay extended hanggang Abril 30, 2024.
Ang mga rutang mayroong mas nakararaming indibidwal na operators ngunit hindi bababa sa minimum (15) ay pinapayagang sumali o mag-consolidate bilang isang kooperatiba o korporasyon hanggang sa katapusan ng naturang buwan.
Para naman sa mga rutang hindi pa nasasailalim sa isang approved LPTRP, ang pag-file ng consolidation ng bagong Transport Service Entity (TSE) ay papayagan kung ang bilang ng mga indibidwal na operators ay hindi bababa sa 40% ng kabuuang bilang ng mga Authorized Units sa ruta.
“This is in response sa request ni Regional Director na magkaroon ng forum para mapagbigyan pa ang iba pang transport group na hindi pa nakapag-consolidate. Base sa kanilang data according to RD, 79% pa lang ‘yong sa transport group na nakapag-consolidate sa Palawan. Proud pa rin tayo na mas mataas pa rin tayo compared sa ibang province,” ani Balcueba.
Ang Industry Consolidation ay mahalagang component ng PTMP kung saan binubuo ang mga maliliit na transport industry players para sa pagbuo ng legal entity gaya ng korporasyon o kooperatiba.
Samantala, hangad ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates na magkaroon ng maayos na ugnayan ang LTFRB at transport sectors sa lalawigan na malaki ang naitulong sa paglago ng ekonomiya at pag-unlad ng lalawigan sa pamamagitan ng isinasagawang info drive at forum
Sa naging mensahe ni Engr. Rafael R. Balcueba bilang kinatawan ni Provincial Planning and Development Coordinator Sharlene D. Vilches, layunin ng forum na mapataas ang bilang ng transport consolidation upang maiwasan ang mga existing at unorganized practices kagaya nang pag-aagawan sa mga pasahero dahil sa pagkakanya-kanya na pag-ooperate ng mga transport groups lalo na ang may maliliit na unit na nagkakaroon ng inefficient dispatch o deployment ng mga sasakyan.