PHOTO | PUERTO PRINCESA TOURISM

Ni Clea Faye G. Cahayag

MATAAS ang tiyansa ng lungsod ng Puerto Princesa na maging host ng World Dragon Boat Championship sa susunod na taon.

Ito ang inanunsyo ni City Tourism Officer Demetrio “Toto” Alvior sa pagbubukas ng Tourism Month nitong araw ng Martes, ika-5 ng Setyembre.

“Next year mataas ang probability we will host the World Dragon Boat Championship. This is the first [time] na ang Philippines ang magho-host at dito pa sa Puerto Princesa City,” ang naging pahayag ni Alvior.

Inaasahang hanggang isandaang (100) iba’t ibang bansa ang makikilahok sa sports event na ito.

Kaugnay nito nanawagan si Alvior sa lahat ng accommodation sa lungsod na mas palawakin pa ang kanilang pagbibigay serbisyo dahil libu-libong mga turista ang darating para sa aktibidad na ito dagdag pa ang mga regular na turista na nagtutungo sa siyudad.

“We are expecting 75 to 100 countries na mag-join sa event na ito kaya sa mga accommodation kung p’wede mag-expand na kayo ng mga rooms niyo kasi we’re expecting 9,000 participants including national and international media kaya medyo sa ngayon kailangan pa talaga natin ng expansion. Although, may mga hotel na mag-o-open not only for the dragon boat pero may mga regular tourist tayong darating so talagang marami ang ini-expect natin,” aniya pa.

Ngunit bago ito, unang isasagawa sa Puerto Princesa ngayong taon ang International Dragon Boat Race.