NAGSIMULA na ngayong araw ng Lunes, Abril 29, 2024 ang World Table Tennis Youth Contender na ginaganap sa Edward S. Hagedorn Coliseum sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na dito isinagawa sa lungsod ang naturang patimpalak.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Ms. Rachel Ramos, World Table Tennis International Referee napiling host city ang lungsod ng Puerto Princesa dahil ito ang may pinaka “best offer” sa lahat ng local government units na sumali sa bidding.
“Two years ago we started in 2022, the Philippine Table Tennis Federation Inc., open a bidding for the host city and Puerto Princesa City has the best offer from among those other local government units who submitted their bid.
I just want to share the good news, the World Table Tennis Youth Contender Puerto Princesa City 2023 was one of the best organized events of the WTTYC,” ayon pa kay Ramos.
Susog naman ni City Sports Director Atty. Rocky Austria, napiling host city ang lungsod, bukod sa maganda nitong pasilidad, dagdag pa rito ang mga mababait at very accommodating na mga Puerto Princesans.
Ani Austria, apat na buwan itong pinaghandaan ng lokal na pamahalaan at ng kanilang opisina para maging maayos ang daloy ng aktibidad.
“Nung nagkaroon ng mga ocular inspection nung nakita nila ang city coliseum natin malaking advantage na natin ito- this is air-conditioned , yung sitting capacity malaki and bago, isa pa yung support na inooffer natin na talagang all out tayo. As far as the city sports and city government is concerned we make sure na yung preparation ay magiging maayos– kasi nga yung na-appreciate nung ating mga bisita ay yung salubong sa mga guest natin at mga athletes sa airport palang, pagsundo sa kanila at warmth welcome sa kanila,” ayon sa direktor.
Ayon kay Jose Bentes, Event Supervisor nasa kabuuang 180 mga atleta mula sa mga bansang Pilipinas, Japan, Korea, Hong Kong, Chinese Taipei, Singapore, Malaysia, Maldives, Iran, India at Netherlands ang maglalaban-laban para sa kampeonato ng nasabing palaro.
Ito ay mayroong iba’t ibang kategorya tulad ng Under 13, Under 15, Under 17 at Under 19 ng female single/doubles, male single/doubles at mixed doubles.
Ilan lamang sa mga atletang dapat abangan ay si Kheith Rhynne Cruz, siyang itinanghal na Champion sa Under 19 category noong nakaraang taon.
Ang World Table Tennis Youth Contender ay magtatapos sa Mayo 4, 2024.
Sinabi naman ni Punong Lungsod Lucilo Bayron, ito ay libreng mapapanood ng publiko. Hinikaya’t din nito ang mga mamamayan ng lungsod na dumalo sa opening ceremony mamayang 4:45 ng hapon.