Palawan, Philippines — Maisasakatuparan na ng lungsod ng Puerto Princesa ang proyektong Integrated Fishport dahil inaprubahan na ng Philippine Fisheries Development Authority o PFDA ang 600 milyong pisong pondo para sa proyekto.
Sa flag raising ng city government kaninang umaga, tinuran ni Mayor Lucilo Bayron na nagtungo siya, kasama ang kaniyang mga department heads sa kamaynilaan kung saan inapruban ang kasunduan.
“Nagpunta kami sa Manila kasama ang Planning,’yung Agriculture, at ‘yung Engineering pumunta kami [roon] sa Philippine Fisheries Development Authority at ang magandang balita ‘done deal’ na ang construction at saka establishment ng ating Integrated Fish port.
Tinatanong ako anong gagawin natin kasi P600 million daw ang pondo, hatiin pa ba natin doon sa westcoast atsaka dito sa eastcoast? O mas malaki ng kaunti dito sa eastcoast kaysa sa westcoast?
Pero ang sabi ko ibuhos nalang lahat dito sa eastcoast, dito sa Jacana at kung hindi mapopondohan yung sa west coast ang City Government nalang ang popondo roon dahil affected din masyado roon ang fishing sa West Philippine Sea sa ngayon dahil sa mga nangyari roon,” ang anunsyo ni Bayron.
Sa mga naunang pahayag ng alkalde, ang proyekto ay inaasahang magbibigay ng napakaraming opurtunidad at trabaho sa mga mamamayan.
Malaki rin ang maitutulong ng fish port para magkaroon ng food security.
Batay naman sa impormasyon mula sa official website ng city government, ang naturang fish port ay planong lagyan ng ice plant, cold storage, processing plant, bodega, at iba pang mahahalagang pasilidad sa industriya ng pangisdaan.
Ang proyektong ito ang isa sa mga poverty alleviation measure ng kasalukuyang administrasyon sa layuning maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga mangingisda sa lungsod.