PALAWAN, Philippines — BILANG paghahanda sa nalalapit na Semana Santa 2024, ang Puerto Princesa International Airport ay isinailalim na sa heightened alert status.
Ito ay batay sa ipinababang kautusan ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Deputy Director General for Operations Captain Edgardo G. Diaz na inaatasan ang lahat ng Services Chief, Airport Managers, at Officers-in-Charge ng lahat ng paliparan at pasilidad na pinangangasiwaan ng ahensiya na magpatupad ng “Oplan Biyaheng Ayos”kung saan sa ilalim nito ang pagpapatupad ng heightened alert status upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero bilang pag-obserba sa Semana Santa.
Sa panayam kay CAAP Puerto Princesa Area Manager Mohammad Naga S. Rascal, ang Oplan Biyaheng Ayos ay magsisimula sa Marso 24.
Kaugnay nito, sila ay maglalagay ng mga lamesa na pangangasiwaan ng mga nars at iba pang kawani ng paliparan para bigyang kasagutan ang alinmang concern na ipaaabot ng mga pasahero, maliban dito magbibigay rin sila ng inuming tubig.
Sa Marso 23 ay agad na silang maglalagay ng mga lamesa at inaasahang magtatagal hanggang Abril 3.
“In the part of the CAAP, ang atin pong mababago ay may table na mayroong mga tao na personnel sa pre-departure at arrival area. Alam naman natin na maraming pagod [na pasahero] , mai-rescue natin at marespondihan,” ani Rascal.
Dagdag pa nito ang deployment ng mga kapulisan sa paliparan.
Paglilinaw ng opisyal kahit hindi mahal na araw ay naka-alerto pa rin ang kanilang tanggapan para sa kaligtasan ng lahat.