‘Puerto Princesa will be known as smart and financially inclusive city’, ito ang bahagi ng mensahe ni Ms. Bernadette Romulo-Puyat, Deputy Governor, Regional Operations and Advocacy Sector ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa isinagawang paglulunsad ng Paleng-QR Ph Plus sa lungsod ng Puerto Princesa nito lamang ika-16 ng Hulyo.
Ayon sa opisyal, ang Puerto Princesa City ang kauna-unahan sa rehiyon ng Mimaropa na naglunsad ng malawakang cashless payment gamit ang QR Code sa mga pamilihang bayan at transportasyon partikular sa tricycle.
“Ang importante [rito] habang ginagamit mo ang digital wallet nagkakaroon kayo ng tinatawag na financial footprint. Base [roon], pwede na makapag-utang sa mas mababang interest rate at walang collateral.
Dahil sa digital payment napo-promote natin ang financial inclusion, gusto kasi natin magka-account lahat ng ating kababayan,” paliwanag pa ng opisyal kaugnay sa ilang adbentahe ng cashless transaction.
Ayon naman kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, ang siyudad ay nasa unang hakbang pa lamang ng cashless payment.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, ang bawat manininda, mamimili, residente at bisita ng Puerto Princesa ay makatitiyak na makikinabang sa mga benepisyo ng cashless payment at episyenteng market trade.
“This is a milestone towards fostering financial inclusion and digital transformation within our city.
Paleng-QR Ph Plus represents more than just a technological advancement. It embodies our commitment on organizing our financial system in making them more accessible to every Puerto Princesan’s and visitors,” ayon sa Alkalde.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Bayron ang mga manininda at mga draybers ng pampublikong sasakyan na tangkilikin at palawakin ang cashless payment dahil malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya ng lungsod.
“ Kung ma-establish natin ito sa lungsod ng Puerto Princesa lalong [uunlad] ang ating ekonomiya at mas lalong lalaki ang halaga ng pananalapi na maiiwanan dito sa atin ng mga turista na pumupunta dito,” aniya pa.
Samantala, inanunsyo rin ng Deputy Governor na ang lokal na pamahalaan ay nag-isyu ng isang ordinansa na magbibigay ng 20% discount sa rental fee ng mga stalls at iba pang market facilities.
At 10% one-time discount naman sa franchise fee ng mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Sa kasalukuyan, 108 local government units o lgus na ang sumusuporta sa Paleng- QR Ph Plus.
Pangako naman ng BSP, ang patuloy na pagsusulong ng interes at pangangalaga sa karapatan ng mga konsyumers at isa na dito ang pagkakaroon ng Paleng-QR Ph Plus. |