Photo courtesy | PIA
PALAWAN, Philippines —Taong 2017 pa huling nakapagsagawa ng dragon boat race sa Puerto Princesa at ito ay hindi na nasundan dahil na rin sa pandemya dulot ng Covid-19, at ngayong 2023, napili ang Puerto Princesa na pagdausan ng 2nd International Dragon Boat Festival na malaki umano ang naitulong para makahikayat pa ng mga bagong paddlers, ayon kay Coach Leonora Escollante, President Philippine Canoe and Kayak Federation, Head Coach Philippine Team Dragon Boat.
Aniya, nais din ni Punong Lungsod Lucilo Rodriguez Bayron na muling buhayin ang dragon boat festival sa siyudad.
“If I’m not mistaken, nag-approach si Mayor Bayron para buhayin ulit ang dragon boat festival sa Puerto Princesa that was 2022 kasi last competition namin dito nang international ay 2017 since then hindi na tayo nakapagtuloy hanggang pandemic. So ngayon, ito na naman buhay na buhay na naman ang paddling activity natin dito which is bagay po talaga sa [Puerto Princesa],” ani Escollante.
Ang naturang aktibidad ay isinagawa nito lamang Nobyembre 18, 2023, sa City Baywalk na nilahukan ng mga paddlers mula pa sa iba’t ibang mga bansa.
Sa baywalk [ang venue] kasi nilalapit natin ito sa mga mamamayan para at least mag-enjoy po sila para sa kanila po talaga itong mga palaro na ito. At the same time, maka-engganyo tayo ng mga bagong paddler kasi I believe [mayroon] dito “genetically” may mga paddler na mga anak ng mangingisda o kaya mangingisda mismo,” dagdag pa nito.
Nagpahayag din ito ng kagalakan matapos mayroong grupo ng mga lokal ang nakiisa sa nabanggit na kompetisyon.
Tinuran naman ni City Sports Director Rocky Austria na malaki ang potensyal ng Puerto Princesa pagdating sa mga water sports activities dahil napakaraming magagandang karagatan ang siyudad.
“’Yung potential ng sports tourism kung magwawater sports tayo kasi asset natin ang ating karagatan,” ani Austria.
Hindi rin umano malakas ang current ng tubig sa baywalk kaya maganda itong pagdausan ng mga water activities.
Susog naman ni Escollante malaki ang potensyal ng mga Pilipino sa water sports dahil ang bansa ay napapaligiran ng libong mga isla.