PALAWAN, Philippines — Ayon sa resulta ng Provincial Product Accounts (PPA) ng Philippine Statistics Authority o PSA nito lamang Nobyembre 2023, ang Economic Performance ng mga Highly Urbanized Cities o HUCs, nanguna ang lungsod ng Puerto Princesa sa lumalagong ekonomiya sa labas ng National Capital Region o NCR
Nitong Lunes, inihayag ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na malaki ang maitutulong ng PPA results upang makahiyakat ng maraming investors sa lungsod.
“Alam natin lahat na ang Philippine Statistics Authority (PSA) ay naglabas ng balita na ang Puerto Princesa City ang fastest growing economy among highly urbanized cities outside the National Capital Region (NCR).
Malaking bagay ito para sa lungsod ng Puerto Princesa kasi isa ito sa mga tinitingnan ng mga investors,” ani Bayron.
Ang PPA ay isang mekanismo para pagsama-samahin ang Gross Domestic Products o GDP sa subnational level.
Batay sa resulta, ang Gross Domestic Product (GDP) ng labimpitong (17) pilot HUCs sa labas ng NCR noong 2021 ay tumaas ito taong 2022 kung saan ang Puerto Princesa City ang nanguna makaraang makapagtala ng 14.7% pag-akyat ng GDP.
Sinusundan naman ito ng Tacloban City, Lapu-Lapu City, Baguio City, Angeles City, Olongapo City, Bacolod City, Iloilo City, Butuan City-l, Cagayan De Oro City, General Santos City, Mandaue City, Davao City, Cebu City, Zamboanga City, Lucena City, at Iligan City.
“All HUCs in the 16 pilot regions registered annual growths in 2022, with the City of Puerto Princesa posting the fastest growth,” ayon sa PSA.
Samantala, lumapag sa ika-14 na puwesto ang Puerto Princesa sa
‘Share of HUCs to 2022 National GDP’ matapos makapagtala ng 0.3 porsyentong share kung saan nanguna naman dito ang siyudad ng Davao na mayroong 2.5 porsyento.