Ni Ven Marck Botin
“Wala nang ipinapataw na penalty sa mga illegal fishermen na nahuhuli sa karagatan ng Linapacan,” iyan ang pahayag ni Mayor Emil Neri kaugnay sa mga nahuhuling mga indibidwal na nagsasagawa ng iligal na pangingisda sa kanilang bayan.
Aniya, ang mga kagamitan sa ‘illegal fishing’ tulad ng bangka, makina, at iba pa ay kukumpiskahin ng lokal naa pamahalaan ng bayan ng Linapacan, Palawan.
“Pag nahuli kayo, kaso kaagad. Kasi kung penalty lang, bukas babalik lang kayo at mag-iiligal uli. [Ganu’n] lang nang [ganu’n],” saad ng alkalde.
Nitong mga nagdaang araw, isang bangkang pangisdang nagngangalang F/B CHABS mula sa bayan ng Calintaan, lalawigan ng Occidental Mindoro na may lulan na labimpitong (17) mangingisda ang nasakote ng Linapacan Municipal Police Station (MPS) sa Barangay Cabunlawan.
Ayon sa ulat, nakumpiska sa mga ito ang bangkang nasa larawan na mayroong double engine (4DR5 at 6D14), apat (4) na air compressor, 200 kilos na mga samu’t saring isda, sampung (10) mga pana, sampung (10) mga improvised fins, sampunng (10) mga flashlight na pang-night diving, sampung (10) sibot o sigpaw at sampung (10) mga goggles.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Provincial Ordinance No. 819-2005 as amended by PO No. 1643-2015 ang nabanggit na mga mangingisda.
Sa kabilang dako, nagkaroon ng pag-uusap ang apat (4) na mga punumbayan ng Calamianes Islands na binubuo ng bayan ng Busuanga, Coron, Culion, at Linapacan upang aprubahan at paigtingin ang implementasyon ng interlocal cooperation kaugnay sa paghuli ng mga illegal fishermen sa karagatang sakop ng Calamianes Group Islands.